
Hihintayin muna ng Department of Justice (DOJ) ang ruling ng Korte Suprema kaugnay sa petisyon na kumukuwestiyon sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Paglilinaw ito ng kagawaran kasunod ng paglalabas ng ICC ng mga pangalan ng co-perpetrators ng dating pangulo sa kontrobersiyal na war on drugs sa nakaraang administrasyon.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, sakaling maglabas na ng arrest warrant laban sa mga ito ay hihintayin muna nila ang ruling ng SC bago ito aksyunan.
Nilinaw ni Martinez na bagama’t hindi na tayo bahagi ng ICC ay may obligasyon pa rin tayo sa international community gaya ng International Police Organization o Interpol.
Sa ngayon, sinabi ng Justice Department na wala pang inilalabas na arrest warrant ang ICC laban sa mga ito.
Batay sa dokumentong inilabas ng ICC nitong weekend, kabilang sa mga co-perpetrators sina:
• Senator Ronald “Bato” dela Rosa
• Senator Bong Go
• Mga nagsilbing PNP Chief na sina Vicente Danao, Camilo Cascolan at Oscar Albayalde
• Dating NBI Director Dante Gierran
• Dating PDEA Chief Isidro Lapeña; at
• dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II










