DOJ, hindi ililihim sakaling may warrant of arrest na laban kay Sen. Bato dela Rosa.

Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na hindi nila ililihim sa publiko sakaling may warrant of arrest na ang International Criminal Court laban kay Senator Bato dela Rosa.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, gaya ng ibang warrant of arrest ay malalaman ng akusado at ng publiko kung may hawak na silang kopya.

Nilinaw naman ni Martinez na sa ngayon ay wala pa rin silang hawak na kopya ng arrest warrant, taliwas sa sinabi ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na meron na ang DOJ at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Samantala, iginiit din ng Justice Department na premature at pawang mga spekulasyon pa lamang ngayon na pag-usapan ang isyu lalo’t wala pang katiyakan kung kailan o kung meron na ngang warrant.

Sa kabila nito, gagawin aniya ng DOJ ang lahat nang naaayon sa domestic at international law.

Facebook Comments