Ipauubaya na lang ng Department of Justice (DOJ) sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang isyu ng disbarment laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng paghahain kahapon ng panibagong disbarment case laban sa pangalawang pangulo na nag-ugat naman sa pahayag nito noong weekend na may inutusan na siyang patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Inihain ito kahapon ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon dahil sa pagiging immoral, undoubtedly illegal at dapat lamang kondenahin lalo na’t si Duterte ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas.
Ayon kay Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres, ang IBP na ang bahala na disiplinahin ang kanilang mga miyembro.
Hindi rin daw maghahain ng partikular na kaso ang DOJ kaugnay rito dahil ang IBP na aniya ang nakakaalam ng gagawin at aakyat na rin naman ito sa Korte Suprema.
Sa ngayon, tatlo na ang disbarment na kinakaharap ni VP Sara kung saan isa ay noong nagsisilbi pa siyang alkalde ng Davao City habang ang pangalawa ay inihain anonymously nitong Oktubre dahil sa pahayag niya na huhukayin ang labi ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea (WPS).