DOJ, hindi pabor kanselahin ang passport ni ex-Mayor Alice Guo

Sa gitna ng napaulat na paglabas ng bansa ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo, malamig ang Department of Justice (DOJ) sa pagkansela sa pasaporte nito at ng kaniyang mga kasamahan.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, sakaling kanselahin ang passport ay kailangan pa nilang mag-isyu ng travel documents para mapabalik sa bansa ang mga Guo at si Cassandra Ong.

Pero kapag nag-isyu naman ng travel documents ay mistulang pag-amin na ito na mga Pilipino sina Guo at Ong.


Masyado aniyang kumplikado lalo na’t nasa gitna rin ito ng mga alegasyon na illegal ang pagkakakuha ng pasaporte ng mga Guo at hindi sila tunay na mga Pilipino.

Sa ngayon, makikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga awtoridad sa Indonesia para sa agarang pagpapabalik sa Pilipinas ng dalawang kasamahan ng dating alkalde na si Ong at ang kaniyang kapatid na si Sheila Guo.

Isa naman sa iniimbestigahan kung paano nakalabas ng bansa ang mga ito kahit na may umiiral na Immigration Lookout Bulletin Order.

Facebook Comments