DOJ, hindi pabor sa plano ng DSWD na magpadala ng sulat sa mga pabayang ama

Hindi pabor ang Department of Justice (DOJ) sa plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na padalhan ng sulat ang mga tatay na nabigo sa pagbibigay ng suporta para sa kanilang mga anak.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang pagpapaalam ng DSWD sa mga pabaya na ama ng posibleng sibil at kriminal na kahihinatnan kung hindi maayos na ibinigay ang suportang pinansyal ay maihahalintulad sa isang demand letter.

Aniya, labas na ito sa mandato ng DSWD kung maaari din itong magpakita na parang nag-aabogado ang kagawaran sa ngalan ng mga menor de edad.


Dagdag pa ni Remulla, maganda naman ang intensyon ng DSWD pero hindi na ito napapasailalim sa batas at tanging korte lamang ang legal na maghabol sa pabayang mga ama.

Ito ang naging tugon ni Remulla base sa paghingi ng legal na opinyon ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa DOJ sa nasabing isyu.

Sinabi pa ni Remulla na maaaring tulungan ng DSWD ang mga menor de edad na hindi tumatanggap ng suportang pinansyal sa paghingi ng legal na serbisyo at pag-refer sa kinuukulang ahensya para naman sa usaping legal.

Facebook Comments