Hindi hahayaan ng Department of Justice (DOJ) na makawala pa ulit ang sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.
Sa harap ito ng posibilidad na i-release na si Guo sa kustodiya ng Senado sakaling matapos na ang serye ng mga pagdinig kaugnay sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa susunod na linggo.
Sa ambush interview kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, sinabi nitong inaasahan na rin namang maglalabas ng warrant of arrest ang Pasig Regional Trial Court matapos silang maghain kahapon ng reklamong Qualified Human Trafficking laban sa dating alkalde.
Hindi rin naman daw agad-agad makakalusot si Guo dahil may kinakaharap pa rin itong reklamo sa Office of the Ombudsman at may warrant of arrest din siya dahil sa kasong graft and corruption.
Bukod kay Guo, kinasuhan din ng DOJ sina Dennis Cunanan at 12 indibidwal na sinasabing mga kasosyo ng sinibak na alkalde.
Samantala, pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng DOJ na ilipat ang lahat ng mga kasong nakahain sa Regional Trial Court ng Capas, Tarlac.
Sa resolusyon na inilabas ng SC na may petsang June 19, nakasaad na ililipat ang tatlong kaso sa RTC dito sa National Capital Region at maging ang mga susunod na kaso na may kaugnayan dito.