DOJ, iginiit na tinututukan ng gobyerno ng Pilipinas ang sindikato ng iligal na droga sa pagdalo sa United Nations Human Rights Council sa Geneva

Muling iginiit ng Department of Justice (DOJ) na nakatutok at kumikilos ang gobyerno ng Pilipinas para mahuli ang mga sindikato ng iligal na droga at hindi lamang ang mga street-level na pusher at user.

Ito ang naging pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kaniyang pagdalo sa 52nd session ng United Nations Human Rights Council sa Geneva.

Aniya, sinisikap ng gobyerno na mahinto na ang pagkalat ng ilegal na droga at ang kanilang mga ginagawang hakbang ay naaayon sa batas na ipinapatupad sa Pilipinas.


Nabatid na inilatag ni Remulla ang mga hakbang ng Pilipinas laban sa ilegal na droga sa panel discussion hinggil sa prison and justice sector reforms and human rights.

Samantala, ipinaliwanag pa ng kalihim na maging ang estado ng hustisya at penal system sa Pilipinas ay tinutukan rin ng kasalukuyang administrasyon kung saan may mga hakbang ang gobyerno para maiwasan ang siksikan sa mga kulungan at detention facilities.

Isa na dito ay ang pagpapatupad ng DOJ ng digitalization sa kada record ng isang preso at pagkakaroon ng state lawyers para ma-review ang kaso ng mga nakakulong upang mapalaya agad ang mga ito.

Ipinatupad na rin ng DOJ ang pagpapalaya sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), mga nakakatanda na nakakulong at mga nagkakasakit.

Bukod dito, inihayag pa ni Remulla sa nagpapatuloy na United Nations Human Rights Council sa Geneva na isasagawa na rin ng DOJ ang proseso sa pagpapababa ng mga piyansa sa mga akusado na ang kaso ay nasa first-level courts o ang maaaring makapag-piyansa upang kahit papaano ay hindi na sila makipagsiksikan sa mga kulungan at detention facilities.

Facebook Comments