DOJ, ilalabas ang report nito hinggil sa imbestigasyon sa PhilHealth sa susunod na Linggo

Nakatakdang ilabas sa susunod na linggo ng Department of Justice (DOJ) ang report nito hinggil sa imbestigasyon sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, convenor ng Task Force PhilHealth, tinatapos na lamang nila ang kanilang imbestigasyon at ilalabas nila ang kanilang report at rekomendasyon sa September 14.

Nakapaloob sa rekomendasyon ang mga posibleng paghahain ng administrative at criminal charges laban sa ilang indibidwal sa PhilHealth na makikita nilang responsable sa mga anomalya at iregularidad.


Maaari lamang sampahan ng kaukulang kaso ang mga nasa likod ng mga iregularidad sa ahensya kapag naisumite na ng DOJ ang report nito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kahit naisumite na ng task force ang kanilang report, sinabi ni Guevarra na patuloy pa ring mag-iimbestiga ang composite teams na binuo ng task force.

Tiwala rin si Guevarra na makatutulong si PhilHealth President Dante Gierran sa kanilang imbestigasyon.

Nabatid na inirekomenda ng Senate Committee of the Whole ang pagsasampa ng kasong graft at malversation laban kay Health Secretary Francisco Duque III, resigned PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang executives dahil sa hindi awtorisadong paglalabas ng COVID-19 funds sa mga health facilities na hindi tumatanggap ng COVID-19 patients.

Facebook Comments