DOJ, inatasan ang prosecutor na siguraduhin ang hustisya laban sa akusadong responsable sa EDSA Road Rage

Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang prosecutor na may hawak ng kaso sa nangyaring road rage sa Ayala, Makati City na siguraduhing mananagot ang akusado.

Matatandaan na binaril at napatay ang isang driver dahil lamang sa simpleng alitan o away-trapiko.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ipinag-utos na nito ang pagtiyak ng hustisya, at usigin ang nasa likod ng krimen partikular na ang gunman at ipataw ang nararapat na batas.


Ito’y matapos makita ng Makati City Prosecutor’s Office ang probable cause para kasuhan ang prime suspect na si Gerrard Raymund Yu ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nabatid na tumakas si Yu sa pinangyarihan ng krimen matapos barilin ang biktima na kinilalang si Ancieto Mateo at naaresto sa hot pursuit operation na positibong kinilala ng mga saksi.

Isinuko rin ng asawa ng gunman sa mga awtoridad ang dalawang baril at apat na magazine na kargado ng bala na tumugma sa cartridge specimen na nakuha mula sa crime scene.

Sinabi pa ni Remulla, ang anak ng biktima, ang kakatawan sa kanyang ama habang gumugulong ang kaso kung saan hindi na nagrekomenda ng piyansa laban sa gunman.

Facebook Comments