DOJ, ipa-prayoridad ang mga drug cases sa bansa habang PDEA, nakikipag-ugnayan na sa mga korte para ma-umpisahan na ang pagsira sa mga nakumpiskang droga

Nakatakdang magpalabas ng memorandum circular ang Department of Justice para sa mga hukom sa bansa kaugnay sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sirain sa loob ng isang linggo ang mga nakumpiskang iligal na droga.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, bilang pagsunod sa direktiba ng Pangulong Duterte, magpapalabas siya ng memo circular para sa mga prosecutor na nag-iimbestiga sa mga kasong may kaugnayan sa droga na gawing top priority ang mga ito.

Layon aniya nitong mapabilis ang pagpapalabas ng court order para sa ocular inspection at pagsira ng mga nakukumpiskang droga sa itinakdang oras, batay na rin sa Republic Act 9165 O Comprehensive Dangerous Drugs Act Of 2002.


Samantala, sa interview ng RMN Manila, kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva na nakikipag-ugnayan na ang kanyang mga tauhan sa mga korte para sa mabilis na pagpapalabas ng court order upang ma-umpisahan na nila ang pagsira sa mga nakumpiskang droga.

Nabatid na kailangang inspeksyunin ng mga korte ang mga nakumpiskang droga sa loob ng 72 oras matapos na makapagsampa ng kaso at pagkatapos ay ipag-utos ang pagsira rito sa loob ng 24 oras ng ocular inspection at isang representative sample lang ang ititira.

Sa ngayon ay aabot sa 2.82 tons ng droga ang nasa storage facilities ng PDEA.

Facebook Comments