DOJ, ipinagtanggol ang gobyerno sa ginawang pag-aresto ng ICC kay FPRRD

Dumipensa si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa ginawang pagsuko ng gobyerno kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, kinwestyon ni Committee Chairman Senator Imee Marcos si Remulla at ang iba pang opisyal kaugnay sa naging papel ng pamahalaan sa imbestigasyon ng tribunal.

Iginiit ni Remulla na ang hakbang ay salig sa pagsunod sa International Humanitarian Law at hindi dahil sa direktang kooperasyon ng bansa sa ICC.


Partikular na tinukoy dito ni Remulla ang Republic Act 9851 kung saan ang legal system ng bansa ay nakahanay sa international humanitarian standards at mga obligasyon na may kaugnayan sa war crimes, genocide, crimes against humanity at ICC authority.

Binigyang-diin din ng kalihim na hindi nakipag-usap at hindi rin nakipagtulungan ang pamahalaan sa ICC bilang isang estado at tumugon lamang sila sa international law enforcement protocols sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol).

Sa kabilang banda aminado si Remulla na hindi na nga kasapi ng ICC ang Pilipinas pero kanya namang ikinakatwiran na ang tribunal ay may hurisdiksyon sa mga indibidwal na nahaharap sa krimen sa ilalim ng legal system ng International Humanitarian Law.

Facebook Comments