Dumistansya ang Department of Justice (DOJ) sa mga nananawagan ng pagbibitiw o pagleave sa pwesto ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Director General Gerald Bantag, kasunod na rin ng kontrobersyal na pagkamatay ng mga high-profile inmates dahil sa COVID-19.
Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa ilalim ng BuCor Law, tanging supervision lamang ang trabaho ng DOJ at wala itong direktang kontrol sa BuCor.
Sinabi ni Guevarra na ang BuCor Director General ay itinatalaga ng Pangulo at ang tiwala nito sa BuCor Chief ang magiging basehan kung magpapatuloy pa ito sa tungkulin.
Ipinauubaya na rin ni Sec. Guevarra kay DG Bantag kung maghahain ito ng leave of absence habang gumugulong ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng mga high-profile inmates sa Bilibid dahil sa COVID kabilang na si Jaybee Sebastian.
Tiniyak din ng Kalihim na anuman ang maging desisyon ni Bantag, tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI sa naturang isyu.