Sinisilip na ng Department of Justice (DOJ) ang pagrekomenda ng aabot sa 300 preso na bibigyan ng executive clemency bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-65 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ito ang inilahad ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla sa isinagawang flag raising ceremony ng DOJ noong Lunes.
Ayon kay Remulla, pinaghahanda na niya ang Parole and Probation Administration (PPA) at ang Board of Pardons and Parole (BPP) ng listahan na maaaring bigyan ng pardon o kalayaan bilang bahagi ng tradisyon ng DOJ.
Kinumpirma naman ni DOJ spokesperson Mico Clavano kahapon na nasa 300 inmates nga ang irerekomenda sa isusumite nila sa araw ng kaarawan ng pangulo sa September 13.
Ngunit iginiit ni Clavano na nakadepende pa rin sa punong ehekutibo at sa Executive Secretary ang huling desisyon hinggil dito dahil ang tungkulin lamang ng kagwaran ay ang magrekomenda ng uri ng executive clemency na ibibigay sa bawat inmate.
Ang executive clemency ay mayroong limang kategoriya; reprieve o ang pagkansela o pagpapaliban ng ipinataw na parusa; commutation o ang pagpapataw ng mas magaang parusa o pagpapaiksi ng sintensya; remission o ang pagtanggal sa ipinataw na multa; pardon o pagtanggal sa lahat ng parusa sa ginawang krimen na maaring conditional o absolute; at amnesty o ang pardon para sa mga na-convict sa mga political offense