
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na may natuklasang ghost projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng ₱300 million.
Ayon kay Justice Secretary Boying Remulla, nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi talaga naipatayo ang mga proyektong flood control sa unang distrito ng Bulacan.
Ito ay batay sa coordinates na ibinigay sa Sumbong sa Pangulo website.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱100 million ang halaga ng bawat proyekto.
Tiniyak naman ni Remulla na papanagutin nila ang mga sangkot dito.
Nauna nang naglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa 43 katao na may kinalaman umano sa mga proyekto.
Bumuo na rin ang DOJ ng espesyal na composite team na binubuo ng mga forensic financial analyst ng NBI para masusing siyasatin ang paggastos ng pondo.
Hinikayat naman ng DOJ ang publiko na magbibay ng impormasyon kung may nalalaman para makatulong sa imbestigasyon.









