Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagpupulong ngayong araw ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng mga kinatawan ng religious groups.
Ito’y para talakayin na ang pagbuo ng bagong guidelines para sa pagdaraos ng mga banal na aktibidad ng iba’t ibang religious group sa ilalim ng ‘new normal’.
Sinabi ni Justice Spokesman at Undersecretary Markk Perete na kukunsultahin nila at pakikinggan ang mga pananaw ng mga religious leader tungo sa pagbuo ng guidelines.
Ito ay kasunod na rin ng kahilingan ng iba’t ibang religious groups na maglabas ng panibagong guidelines para sa transition o pagbabago sa ipinatutupad na quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
Pangungunahan aniya ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagpupulong bilang kinatawan ng Legal Cluster ng IATF.
Una nang binawi ng IATF ang anunsyo nito sa pagpayag sa mass gatherings matapos umalma ang mga mambabatas at Local Government Units (LGUs) dahil sa pangambang magresulta ito sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga komunidad.