Kinumpirma ni Justice Secretary Boying Remulla na sumuko na ang apat pang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo.
Ayon kay Remulla, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang halos lahat ng sangkot sa pagpatay kay Degamo.
Aniya, dalawa hanggang tatlo na lamang na mga suspek ang pinaghahanap sa ngayon.
Bukas ay inaasahang dadalhin sa Metro Manila ang sumukong apat na ex-military personnel.
Samantala, kinumpirma ni Remulla na nakatanggap siya ng text message mula kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., at nais nitong makipag-usap sa kanya.
Gayunman, wala pa aniyang tugon dito dahil nakatuon siya sa pagsuko ng iba pang mga suspek sa Degamo slay case.
Nananatili rin aniya siyang blangko sa kinaroroonan ngayon ni Teves.
Idinagdag ni Remulla na asahan pa ang mga isasampang karagdagang kaso sa mga susunod na araw.