DOJ, kumpiyansa sa kanilang ihahaing reklamo sa Ombudsman laban sa mga opisyal ng PhilHealth

Kumpiyansa ang Department of Justice (DOJ) na hindi makukwestyon ang plano ng Task Force PhilHealth na paghahain ng reklamo sa Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang Ombudsman at iba pang constitutional bodies gaya ng Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC) ay kasama sa mga dumalo sa mga pagpupulong at sa pagdinig ng Task Force PhilHealth base na rin sa kanilang imbitasyon.

Hindi rin aniya nila ikinonsidera bilang mga miyembro ng task force ang Ombudsman at COA dahil nasa ilalim naman ang mga ito ng Executive Department.


Sa halip, “guest participants” lamang ang mga ito sa isinagawang fact-finding ng task force subalit hindi sila naging bahagi ng evaluation at rekomendasyon ng DOJ.

Ayon kay DOJ Spokesman Usec. Markk Perete, maaaring maihain ang administrative complaints sa Ombudsman o sa piskalya para sa criminal complaints laban sa nagbitiw na si dating PhilHealth President and CEO Ricardo Morales at iba pang mga opisyal ng PhilHealth.

Facebook Comments