DOJ, kumpiyansang napabigat ang drug case ni Sen. De lima sa pagprisinta kay Prosecution Witness Joel Capones

Kumpiyansa ang Department of Justice (DOJ) na hindi natibag ng kampo ni Senator Leila De Lima ang testimonya ng prosecution witness na nagaakusa sa senadora na tumangap ng P1.4 million na drug money mula kay Jaybee Sebastian.

Ayon kay Prosecutor Ramoncito Bienvenido Ocampo Jr., hindi nabasag ng depensa ang testimonya ng kanilang testigo na si Joel Capones nang humarap muli ito sa hearing at inihayag sa Muntinlupa City RTC Branch 256 na nakita niya mismo si Sebastian na ibinigay ang P1.4 million na drug money kay De Lima, na noo’y Justice Secretary.

Nangyari aniya ang abutan ng pera sa “Bahay na Bato” sa loob ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City noong March 2014.


Ayon kay Ocampo, malinaw at direkta ang naging testimonya ni Capones nang isalang ito sa cross examination.

Sa kabila nito, ipinauubaya na ng DOJ sa korte ang pagtangap sa mga ebidensya.

Magugunitang si De Lima kabilang ang mga kapwa akusado na sina Ronnie Dayan at Jad de Vera ay kinasuhan ng illegal drug trading.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa kaso sa April 16.

Facebook Comments