DOJ, kumunsulta na sa prison expert kaugnay ng pamamalakad sa BuCor

Kumunsulta na si Justice Secretary Crispin Remulla sa isang international prison reform expert para sa pagbalangkas ng plano para sa reporma sa correction system sa bansa.

Matapos matukoy na isa sa problematic agency ang Bureau of Corrections (BuCor), nakipagpulong si Remulla kay Prof. Raymund Narag, dating inmate na nakulong ng pitong taon subalit ngayon ay associate professor na Southern Illinois University.

Layon nito na pag-aralan ang pamumuno ni BuCor Chief Gerald Bantag.


Sinabi ni Atty. Nico Clavano ng Office of the Secretary na nais ni Remulla na maisaayos ang correction system sa bansa.

Kasunod ito ng pahayag ng ilang BuCor officials na wala raw pagbabago sa correctional facility.

Naungkat din ang pagkakadeklara kay Bantag bilang persona non grata sa Muntinlupa City matapos niyang harangan ng mga pader ang ilang komunidad sa lungsod at isinara sa motorista ang isang kalsada bilang dagdag seguridad sa New Bilibid Prison (NBP) ng walang permiso mula sa lokal na pamahalaan, kaduda-dudang pagkamatay ng mga high profile inmates at ilang pang mga umano ay anomalyang kinasasangkutan nito.

Facebook Comments