DOJ, maghahain ng motion for reconsideration laban sa maagang paglaya ni Pemberton

Maghahain ang Department of Justice (DOJ) ng motion for reconsideration para pigilan ang maagang paglaya ni United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos maghain ang pamilya ng pinatay na transgender na si Jennifer Laude ng kanilang motion for reconsideration laban sa pagpapalaya sa US serviceman.

Ayon kay Guevarra, ang kanilang mosyon ay ihahain nila sa susunod na linggo.


Ang DOJ prosecutors sa Olongapo City ang maghahain nito.

Umaasa si Guevarra na ang Office of the Solicitor General (OSG) ay sasamahan ang DOJ sa kanilang mosyon.

Ang OSG aniya ay pumasok sa kaso nang umapela si Pemberton sa kanyang conviction sa Korte Suprema, pero binawi ito ng US serviceman.

Sinabi naman ni Justice Undersecretary Markk Perete, pinag-aaralan na ng prosecutors ang computation ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) na ginamit para paikliin ang prison term ni Pemberton.

Una nang inihinto ng BuCor ang pagproseso ng pagpapalaya kay Pemberton.

Facebook Comments