DOJ, maghahain ng panibagong kaso laban sa mga sangkot sa ghost dialysis claims sa PhilHealth

Muling ihahain ng Department of Justice (DOJ) ang kasong isinampa laban sa may-ari ng Wellmed Dialysis Center at iba pang mga indibidwal na nasa likod ng nabunyag na ghost claims ng PhilHealth.

Kasunod ito ng pagbasura ng Quezon City RTC Branch 219 sa kasong estafa thru falsification of public and or official documents laban kina Brian Sy, isa sa mga may-ari ng Wellmed Dialysis Center, gayundin kina Liezl de Leon at Edwin Roberto na naging whistleblowers sa ghost claims ng PhilHealth at iba pang mga opisyal ng Wellmed.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kanilang isasampa ang reklamo sa QC Metropolitan Trial Court.


Sinabi ni Senior Assistant State Prosecutor Anna Noreen Devanadera, na posibleng i-refile nila ang kaso anumang araw ngayong linggo.

Binasura ni QC Regional Trial Court Branch 219 judge Janet-Abergos Samar ang kasong inihain ng DOJ dahil sa kawalan ng hurisdiksyon ng RTC para pagdesisyunan ang reklamo ng NBI.

Ikinatwiran ng hukuman na Metropolitan Trial Court o MTC dapat ang humawak sa reklamo dahil ang maximum penalty lamang na pinag-uusapan ay anim na taong pagkabilanggo.

Hindi naman aniya nangangahulugan na inosente ang mga akusado at sa halip ay ang usapin lamang sa hurisdiksyon ng korteng pinagsampahan ng reklamo.

Facebook Comments