Kalahati lamang ng workforce ng Department of Justice (DOJ) ang magbabalik-trabaho simula sa Lunes kung saan nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang Metro Manila.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang ibang manggagawa na hindi naman kailangan na magtungo nang personal sa opisina ay maaaring magpatuloy pa rin sa kanilang work-from-home arrangement.
Samantala, sa Korte Suprema ay magkakaroon naman ng skeleton staff sa ibang mga tanggapan maliban sa opisina ng Chief Justice at ng mga Associate Justices ng Supreme Court para matiyak na tuluy-tuloy ang kanilang trabaho.
Sa kabila nito, tiniyak ng Supreme Court na full operational na sila sa Lunes.
Muling magbubukas ang mga opisina sa Korte Suprema mula alas-otso ng umaga hanggang alas-kwatro y medya ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.