Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na magsasampa sila ng reklamo sa Korte Suprema laban sa apat na hukom ng Las Piñas City Regional Trial Court (RTC).
Ito’y matapos pagbigyan ang inihaing writ of habeas corpus ng ilang dayuhang kabilang ang 600 nasagip ng mga awtoridad matapos magsagawa ng raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Las Piñas City noong Hunyo.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kasong administratibo ang kanilang ihahain dahil sa aniya’y malinaw na paglapastangan ng mga ito sa sistema ng katarungan sa bansa.
Sinabi pa ni Remulla na ilan sa mga dayuhang naghain ng writ of habeas corpus sa apat na korte sa Las Piñas City ang nakalaya na ng wala man lang itinatakdang kondisyon sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Ikinadismaya rin ng kalihim ang pagsasawalang-bahala ng mga nabanggit na korte para papanagutin sa batas ang mga naturang dayuhan sakaling mapatunayang sangkot sila sa operasyon nito.
Samantala, pinag-aaralan pa ng DOJ kung idadawit din sa reklamo ang mga abogado na siyang naghain ng mga nasabing petisyon sa korte.