DOJ, magsusumite ngayong araw ng panuntunan sa NTC kaugnay ng ABS-CBN

Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maibibigay nila ngayong araw sa National Telecommunications Commission o NTC, ang hinihingi nitong guidelines kaugnay sa usapin kung maaari pa rin bang makapag-broadcast ang ABS-CBN kapag nagpaso na ang prangkisa nito sa May 4.

Pero nakadepende pa rin aniya sa House of Representatives kung ikokonsidera nila itong sapat na batayan para makapagpatuloy pa rin sa pagsasahimpapawid ang isang media outfit na expired ang prangkisa.

Sinabi pa ng Kalihim na maaari din naman na magpasa na lang ang Kongreso ng isang resolusyon na magkakaloob ng provisional authority sa isang network para makapagpatuloy pa rin sa kanilang operasyon habang hinihintay ang resulta ng aplikasyon ng prangkisa.


Una nang sinabi ni Guevarra na simula pa noong 1994 ay mayroon ng umiiral na MoU o Memorandum of Understanding sa pagitan ng Kongreso, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP at NTC na nagpapahintulot na makapag-broadcast pa rin ang isang media network na expired ang prangkisa, basta may nakabinbin na aplikasyon sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Facebook Comments