DOJ, makikipag-ugnayan sa DFA sa umano’y tatlong passport ni Atty. Harry Roque; dating kalihim, pumalag

Makikipag-ugnayan na ang Department of Justice (DOJ) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para paimbestigahan ang sinasabing pagkakaroon ng tatlong Philippine passport ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, DFA ang mag-iimbestiga sa passport ni Roque lalo’t sila ang naglalabas nito.

Handa naman ang DOJ na makipagtulungan gaya ng paghahanap ng karagdagang impormasyon.

Nauna na silang humiling sa korte na tuluyang kanselahin ang mga pasaporte ni Roque na nahaharap sa kasong qualified human trafficking at regular human trafficking kaugnay sa pagkakasangkot nito sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

May nakalabas na ring warrant of arrest ang korte laban kay Roque at mga kapwa nito akusado.

Samantala, sa isang pahayag, tinawag ni Roque na fake news ang sinabi ng DOJ.

Ni hindi rin umano nilinaw ng kagawaran kung dalawa nga o tatlo ang hawak niyang passport.

Ayon kay Roque, isang regular passport ang kaniyang ginagamit dahil wala nang blank pages ang isa pa.

Kasalukuyan daw itong hawak ng Dutch authorities bilang bahagi ng aplikasyon para sa asylum.

Nilinaw rin ni Roque na hindi na siya gumagamit ng diplomatic passport matapos na umalis sa gobyerno ilang taon na ang nakalipas.

Facebook Comments