DOJ, makikipagpulong sa PNP hinggil sa isyu ng pagkakasangkot umano ng ilang pulis sa Chinese syndicate

Makikipag-pulong ang Department of Justice (DOJ) sa Philippine National Police (PNP), kaugnay sa pagkakasangkot umano ng ilang pulis sa mga sindikatong Chinese na nasa bansa.

Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, kabilang sa mga pag-uusapan ang impormasyong may ilang awtoridad ang nagbibigay ng proteksyon sa mga sindikato kaya’t nagagawa ng mga dayuhan na makapagdukot at makagawa ng iba pang krimen.

Iginiit ni Remulla, na sineseryoso nila ang mga impormasyong nakukuha na may mga alagad ng batas na protektor at hihingin nila ang tulong ng PNP para pag-aralan ito at matigil na.


Sinabi pa ng kalihim, hindi lang iisa ang source sa mga impormasyon bukod sa nakita rin ang ilang naka-unipormeng awtoridad na suma-sideline sa mga sindikatong Chinese.

Hinggil sa isyu ng sinalakay na gusali sa Pasay, naniniwala ang DOJ Secretary na hindi talaga ito POGO kundi sentro ng bisyo kung saan ginagawa ang mga kahalayan, mga bisyo at iligal na aktibidad.

Aminado si Remulla, na kailangan nilang higpitan pa ang pag-iimbestiga dahil may mga hindi umuusad na kaso laban sa mga sindikato tulad ng kidnapping.

Facebook Comments