DOJ, mas magiging aktibo sa susunod na anim na taon ayon sa bagong kalihim nito

Asahan na raw na magiging “action-packed” o maaksyon, “full of commitment” at puno ng pag-asa ang Department of Justice (DOJ) sa loob ng anim na taon ng bagong administrasyon.

Ito ang sinabi ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla sa kanyang pagsabak sa trabaho bilang bagong kalihim ng kagawaran.

Sa unang pagkakataon ay dumalo si Remulla sa flag raising sa compound ng DOJ sa Padre Faura sa Maynila.


Siya ay mainit na sinalubong ng mga opisyal at kawani ng DOJ at iba’t ibang attached agencies at opisina ng ahensya.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Remulla na nagpapasalamat siya sa pagkakataong mamumuno sa DOJ matapos na italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Siya ang kapalit ni dating DOJ Sec. Menardo Guevarra na ngayon naman ay mamumuno na sa Office of the Solicitor General.

Iginiit ni Remulla na handa rin siyang ibigay ang kanyang buhay para sa paglilingkod sa DOJ kung saan pinag-aralan umano niyang mabuti ang trabaho sa DOJ.

Nangako rin si Remulla na bagama’t mabigat ang trabaho sa DOJ ay ihahatid niya ang hustisya para sa lahat, anuman ang katayuan o estado sa buhay, at walang kinikilingan o tinitingnan.

Umapela naman si Remulla sa mga taga-DOJ na siya ay tulungan sa kanyang trabaho lalo’t maraming dapat gawin upang makamit ang layunin at mga plano ng kagawaran.

Facebook Comments