Mas pinalakas pa ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang ahensiya ng gobyerno para tuluyan nang matapos ang isyu sa pagkalat ng iligal na droga.
Sa inilabas na pahayag ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, suportado nito ang hakbang ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pagtuunan ng pansin na maaresto ang mga nagbebenta at nagsusuplay ng iligal na droga sa halip na mga indibidwal na gumagamit nito.
Sa kabila nito, sinisiguro ng kalihim na sa kabila ng pinaigting na kampanya kontra iligal na droga, mananatili at rerespetuhin nila ang karapatan at dignidad ng mga naaaresto.
Inatasan na rin ng kalihim ang Bureau of Corrections (BuCor) na bilisan ang paglilipat ng mga high profile drug personalities sa mga piitan sa kada region para matigil ang umano’y bentahan ng iligal na droga sa national penitentiary.
Una nang iniulat ng Philippine National Police (PNP) bumaba na ang bilang ng kaso ng mga nasasangkot sa iligal na droga kung saan nagawa nila ito ng walang nasasawing indibidwal.