Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mas pinaigting pa ng Department of Justice (DOJ) ang pakikipag-ugnayan kina Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez at Commissioner Greco Belgica, maging sa iba pang pinuno ng mga government agencies at independent bodies na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang memorandum order.
Kasunod ito ng direktiba ng Pangulo sa DOJ na bumuo ng high level task force na mag-iimbestiga sa sinasabing P15-B anomaly sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ipinaliwanag naman ni Guevarra na habang nagsasagawa ng kanya-kanyang imbestigasyon ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno na kabilang sa task force ay napagkaisahan nila na kailangan ang tuloy-tuloy na komunikasyon at pagtutulungan para matutukan ang masusing imbestigasyon.
Nilinaw naman ni Guevarra na bago pa man nabuo ang task force PhilHealth at bago pa pumutok ang COVID outbreak ay mayroon nang naunang imbestigasyon kaugnay sa alegasyong bilyong pisong anomalya sa PhilHealth.