Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na alam nila kung saan nagtatago si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Pero ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, mahirap ilagay sa alanganin ang buhay ng mga law enforcer lalo na’t naniniwala silang hindi magpapahuli ng buhay ang dating Bucor exec na itinuturing na ngayong pugante.
Sa kabila nito, sinabi ni Clavano na bukas na makipag-negosasyon ang kagawaran sakaling maisipan ni Bantag na boluntaryong sumuko.
Ayon kay Clavano, hindi lamang sa isang lugar nagtatago si Bantag at kadalasan ay sa mga liblib kung saan mayroon din siyang mga taga-suporta.
Una nang ibinasura ng Court of Appeals ang petisyong inihain ni Bantag para ibasura ang kasong murder laban sa kaniya dahil sa pagkamatay ng radio broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.