DOJ, naglabas ng resolusyon para sa pagsasampa ng kaso laban sa guro na nag-tweet ng ₱50-M na patong sa ulo ng pangulo

Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong inciting to sedition laban sa 25-anyos na public school teacher na nag-tweet ng 50-million pesos na patong sa ulo ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa tatlong pahinang inquest resolution na pirmado ni Assistant State Prosecutor Jeanette Decpano at inaprubahan naman ng Prosecutor General, inirekomenda nito ang pagsasampa ng kasong inciting to sedition laban kay Ronnel Mas.

Pero ayon sa DOJ, invalid ang naging warrantless arrest laban kay Mas ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Sta. Cruz, Zambales.


Ayon sa DOJ, para maging valid ang isang warrantless arrest sa ilalim ng Rule 113 (b), kailangan na arestuhin ito pagkatapos lamang na gawin ang krimen, at dapat mayroong personal na kaalaman ang arresting officer sa nagawang krimen ng suspek.

May 5, 2020 nang mag-post sa Twitter ang suspek subalit anim na araw na ang nakalipas nang arestuhin si Mas ng NBI.

May kuha rin sa cellphone video ng pag-amin ni Mas sa krimen nang tanungin ito ng mga tauhan ng NBI habang nasa biyahe sakay ng sasakyan ng NBI.

Nagkaroon din ito ng pag-amin sa harap ng media sa NBI main office kung saan humingi pa ito ng paumanhin sa Pangulong Duterte sa kanyang nagawa.

Inirekomenda ng DOJ ang paghahain ng kasong inciting to sedition laban kay Mas sa Zambales Regional Trial Court.

Facebook Comments