DOJ, nagsasagawa ng imbentaryo sa kaso ng pagpatay sa mga abogado sa bansa

Nagpapatuloy ang pag-iimbentaryo ng Department of Justice (DOJ) sa kaso ng mga pagpatay sa mga abogado sa bansa.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring sa susunod na dalawang linggo pa nila matapos ang imbentaryo.

Ayon sa kalihim, kasama sa imbentaryo ang mga pagpaslang maging sa mga dati o retiradong hukom, mahistrado at piskal gaya ni retired Court of Appeals Justice Normandie Pizzaro.


Sakop lang ng imbentaryo ang mga abogadong pinatay sa panahon ng Duterte government.

Sa datos ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), aabot na sa 54 abogado ang napatay sa bansa mula noong July 2016.

Una nang sinabi ni Guevarra na ang imbentaryo ay maglalaman ng mga kaso ng lawyer killings na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI), sumasailalim sa preliminary investigation ng piskalya at nililitis sa korte.

Layon aniya nito na mahigpit na mabantayan ang itinatakbo ng mga pagdinig at imbestigasyon sa mga pagpaslang sa mga nasa legal profession.

Facebook Comments