DOJ, nanawagan sa pagpapalakas ng border security ng bansa

Kailangan palakasin ang border security sa bansa para maiwasan ang paglabas ng ilan nang hindi dumaraan sa Immigration authorities.

Ito ang iginiit ng Department of Justice (DOJ) kung saan binanggit ni Usec. Nicholas Felix Ty ang mga insidente ng pag-alis ng bansa tulad nina Alice Guo at Atty. Harry Roque sa kabila ng lookout order.

Aminado si Ty na may mga nakalalabas talaga na hindi dumaraan sa mga opisyal partikular sa mga daungan at paliparan.


Kaya’t sinabi nito na kailangan palakasin ang mga border kung saan paraan din ito upang maiwasan na magkaroon ng problema ang ilang Pinoy na magtutungo sa ibang bansa.

Nang tanungin naman kung may pagkukulang ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi sa hindi agad pagpapabatid sa DOJ at Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa presensya ni Roque, sinabi ni Ty na ayaw niya munang husgahan ang mga ito.

Ang pahayag ni Ty ay kasunod ng sinabi ni Roque na nagtungo siya sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi noong Nobyembre 29 upang magpa-notaryo ng kanyang counter-affidavit sa kasong qualified human trafficking.

Facebook Comments