Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na ang isinagawa nilang imbestigasyon sa mga kaso ng nasawi sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration ay alinsunod sa kanilang mandato at hindi dahil sa pressure o sa napipintong imbestigasyon ng International Criminal Court.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Justice Usec. Adrian Sugay na noong nakaraang taon pa nila sinimulan ang pagri-review sa mga kasong ito.
Aniya, sa oras na mayroon na silang makitang posibleng liability o dapat na managot sa kaso, pulis man o ordinaryong indibidwal ay kikilos ang kanilang hanay.
Sila aniya sa DOJ ay propesyunal at kung mayroong dapat na maimbestigahan ay kanila itong gagawin.
Ayon pa kay Usec. Sugay, sa oras na mayroong mag-reklamo at mayroon silang nakitang hindi tama ay agad na aaksyon at maghahain ng reklamo ang DOJ.