
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hindi kasama sa pinagbabawalang makalabas ng bansa si Senator Joel Villanueva.
Ito ay kahit nahaharap din sa reklamong malversation si Villanueva na non-bailable matapos ireklamo sa DOJ ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi kasama si Villanueva sa hiniling sa Korte na ilagay sa precautionary hold departure order (PHDO).
Sabi ni Martinez, sa kasong plunder lamang naghain ng mosyon ang NBI para humiling ng PHDO laban sa mga respondent kung saan hiwalay na kaso raw ito sa isinampa kay Villanueva.
Nauna nang naglabas ang Manila Regional Trial Court Branch 52 ng PHDO laban kina Senator Jinggoy Estrada, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Usec. Roberto Bernardo at mga dating DPWH engineer na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia.
Pinagbawalan silang makalabas ng bansa nang walang pahintulot ng korte upang mapigilan ang posibleng pagtakas sakaling maglabas na ng warrant of arrest.










