
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na reklamo kaugnay sa negosyanteng si Carlito Macadangdang.
Ito ay matapos sabihin noong nakaraang linggo na iniimbestigahan na sina Macadangdang at kasosyo nito sa negosyo na si Jonathan So dahil sa pagkakadawit sa flood control anomaly.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, wala pang complaint na inihahain sa kanila ngayon kung saan respondent si Macadangdang.
Iniuugnay ang dalawa sa kumpanyang Topnotch Catalyst Builders na sangkot sa mga anomalya sa mga proyekto kontra baha.
Noong Biyernes, sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na lumalabas ang pangalan ni So sa mga proponent bagama’t inaalam pa ang kaniyang naging partisipasyon.
Nitong weekend naman nang itanggi ng dalawa ang pagkakadawit nila sa anomalya partikular sa flood control projects.










