DOJ, no comment na sa ICC case ni FPRRD

Hindi na magbibigay ng komento ang Department of Justice (DOJ) sa kasong crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Paliwanag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ayaw nilang masangkot sa politika at hindi na saklaw ng Pilipinas ang kaso ni Duterte kung kaya’t dapat hayaan na ang may hawak ng hurisdiksyon ang magsalita.

Ginawa ni Remulla ang pahayag matapos tawaging “politically motivated” ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman ang sinabi ng DOJ at sa posibleng pagtayong testigo sa ICC ni retired police colonel at dating PCSO General Manager Royina Garma laban sa dating pangulo.

Ayon kay Remulla, binanggit niya lang si Garma dahil inaasahan niyang hahanapan siya ng paliwanag at mas mainam na malinaw ang direksyon ng usapan.

Muli ring iginiit ng DOJ na wala silang komunikasyon sa ICC kung saan dinepensahan din ng kalihim ang pag-escort ng NBI kay Garma sa pakikipagpulong sa mga tauhan ng ICC para matiyak na doon talaga ang pupuntahan nito at lehitimo ang pakay.

Facebook Comments