Pabor ang Department of Justice (DOJ) sa desisyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal sa mga major roads ang mga electric vehicle tulad ng mga e-trike.
Ayon kay Justice Undersecretary Margie Gutierrez, tama lang ang desisyon ng MMDA na huwag payagan gumamit ng mga major road ang e-trike.
Ito’y dahil sadyang mapanganib para sa mga pasahero at driver kung makikipagsabayan sila sa malalaking mga sasakyan sa paggamit ng e-trike.
Aniya, hindi lamang dapat sa Metro Manila ipagbawal ang e-trike sa mga major roads at gawin din ito maging sa mga probinsya.
Noong nakaraang linggo, nagdesisyon ang MMDA at LTO na pagbawalan ang mga gumagamit ng electric vehicle sa major road dahil hindi ito ligtas para sa mga driver at pasahero lalo na’t ilan ay hindi rin pasok sa insurance sakaling maaksidente.
Hindi rin daw nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) ang mga sasakyan na ito at wala ring driver’s license ang karamihan sa mga nagmamaneho.