Iniharap na ng Department of Justice (DOJ) Prosecution Panel sa Muntinlupa City Regional Trial Court ang testigo na nagpatunay hinggil sa direktang pagtanggap daw ni Senador Leila de Lima ng drug money mula sa drug lord na si Jaybee Sebastian.
Sa pagpapatuloy ng hearing sa kaso, iprinisinta ng DOJ Panel ang inmate na si Joel Capones na sinasabing nakasaksi sa pag-abot ni Sebastian kay De Lima ng P1.4 million na drug money sa tinaguriang “Bahay na Bato” sa loob ng New Bilibid Prison noong 2014.
Inamin ni Capones sa korte na isa siya sa may koneksyon sa iligal na droga sa NBP batay sa direktiba ni Sebastian dahil hanga umano ito sa lakas ng impluwensya ni Sebastian kay De Lima noong siya ay Secretary pa ng DOJ.
Isinalaysay ni Capones na noong March 2014, habang anibersaryo ng grupo ng Commando Gang, ibinigay niya aniya ang P1.4 million kay Sebastian na napagbentahan ng shabu.
Sa kanyang salaysay, personal aniya niyang nakita si Sebastian na ibinigay ang pera kay De Lima at sinabing “Ma’am eto na po ang pera”.
Si De Lima ay nahaharap sa kasong drug trade dahil sa sinasabing pagtangap daw ng drug money.