Wednesday, February 18, 2026

DOJ pinabulaanan na pinayagan nilang makalabas ng bansa si dating DPWH Sec. Bonoan

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala silang ibinigay na pahintulot para makalabas ng bansa si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan.

Ito ay kasunod ng sinabi ni Bonoan noong Lunes na nagpaalam siya sa DOJ para sa planong pagbalik sa Estados Unidos para samahan ang kaniyang asawa na sasailalim sa medical procedure.

Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, ang korte ang magdedesisyon sa pagbiyahe ng isang indibidwal lalo na kung nasa ilalim na ito ng precautionary hold departure order.

Kinumpirma naman ni Vida na nag-abiso sa kanila si Bonoan pero kailangan pa rin daw na mismong ang korte ang pumayag.

Ipinaliwanag ni Vida na kumilos ang prosecutors para hilingin sa korte ang precautionary HDO lalo’t maituturing na flight risk ang mga respondent sa kaso.

Ipinaliwanag naman ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na may pinagbatayan ang korte nang maglabas sila ng precautionary HDO.

Bukod kay Bonoan, hindi rin papayagang makalabas ng Pilipinas sina Senador Jinggoy Estrada at dating mga opisyal ng DPWH na sina Roberto Bernardo, Gerard Opulencia at Henry Alcantara na mga respondent sa reklamo kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Facebook Comments