Pinakikilos ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Justice (DOJ) para magkasa ng ‘top to bottom’ na imbestigasyon sa mga tauhan, opisyal at mga opisina sa Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ay para alamin kung papaano naipupuslit ang mga kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) na isa sa mga dahilan nang pagkakasangkot sa mga krimen ng mga bilanggo doon.
Nauna na kasing napag-alaman mula sa kapatid ng nasawing inmate na si Jun Villamor, ang sinasabing ‘middleman’ sa pagpatay kay Percy Lapid, na mayroong access sa cellphone ang kanyang kapatid sa loob ng kulungan.
Sinabi ni Tulfo na kung mahaharang ang pagpupuslit ng mga kontrabando sa Bilibid tulad ng cellphones ay maiiwasan sana ang paggawa ng krimen ng mga bilanggo sa labas ng kulungan.
Pinagsasagawa rin ng regular na inspeksyon sa opisina ng mga kawani ng BuCor upang matigil kung may sabwatan man sa pagitan ng mga tauhan at mga bilanggo sa pagpapalusot ng mga kontrabando.
Bukod dito, pinasisilip din ni Tulfo sa ahensya ang “Sim Card for Rent” sa loob ng NBP na aniya’y dapat matigil na rin.
Dagdag pa sa rekomendasyon ng senador ang ‘lifestyle check’ sa mga kawani, mahigpit na ‘body search’ sa mga empleyado at opisyal ng BuCor, pagdaan sa screening ng mga bagay o bilihin na dinadala sa tindahan sa loob ng NBP at paggamit ng x-ray o pagkuha ng mga ‘trained’ na aso para sa pag-detect ng mga kontrabando.