DOJ, pinaiimbestigahan na ang pag-leak sa media ng resolusyon sa kaso ng dating pulis na sangkot sa shabu smuggling

Manila, Philippines – Ipinag-utos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagsasagawa ng internal investigation para matukoy kung sino ang nag-leak sa media ng resolusyon na nag-uutos na kasuhan na sa korte si dating Police Office Eduardo Acierto.

Mahigpit ngayon ang bilin ni Secretary Guevarra sa kanyang mga tauhan na panatilihing confidential ang mga resolusyon ng DOJ lalo na sa mga sensitibong kaso para hindi malagay sa alanganin ang paghahanap kay Acierto.

Si Acierto ay isa sa mga dawit sa bilyong-bilyong pisong halaga ng shabu smuggling noong nakaraang taon.


Noong isang linggo, nagkasa ng isang operasyon ang NBI para maaresto si Acierto at pitong iba pa pero nasunog ito dahil sa premature na pag-release sa media ng DOJ resolution laban kay Acierto.

Una na ring bumuo ang PNP ng tracker team na tutugis kay Acierto matapos maglabas ng arrest warrant ang Manila RTC Branch 35.

Bukod kay Acierto, ipinaaresto rin ng korte si dating PDEA Deputy Director for Administration Ismael Fajardo, ang importer na sina Chan Yee Wah at Zhou Quan, mga consingees na sina Vedasto Baraquel Jr. at Maria Catipan ng Vecaba Trading at isang Emily Luquingan.

Facebook Comments