Inatasan na ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Corrections (BuCor) na pag-aralan ang posibleng parusa laban sa mga opisyal at personnel na inireklamo ng mapang-abuso umanong inspeksyon sa ilang dumadalaw na kamag-anak ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison.
Partikular na pinaiimbestigahan ng kalihim ang reklamo laban sa ilang opisyal at guwardiya ng Bilibid na pinaghubo’t hubad umano at ilang beses na pinag-squat sa inspeksyon ang dalawang babaeng bumisita sa kanilang mga asawang PDL.
Iginiit din ni Remulla na hindi kinukunsinte ng kagawaran ang anumang pang-aabuso sa trabaho ng mga prison guard, lalo sa pagsasagawa ng pisikal na inspeksyon sa mga bumibisitang kamag-anak o kaibigan ng mga PDL.
Binigyang diin ni Remulla na may umiiral at mga international standard ang gobyerno sa pagsasagawa ng body search o inspection sa ilalim ng UN Standard Minimum Rules for Treatment of Prisoners, kung saan dapat tiyaking may respeto sa dignidad at privacy ng mga kinapkapan.
Nakasaad din sa ilalim ng BuCor Operating Manual ang tamang pagsasagawa ng inspeksyon at pagpapataw ng parusa sa mga napatutunayang nagdadala ng kontrabando.
Iginiit ni Remulla, ang mataas na respeto ng Department of Justice (DOJ) sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng mga mandato at nangakong patuloy na pagbubutihin ang paghahatid ng serbisyo sa mga PDL at kanilang pamilya.