DOJ, pumalag sa tila pambabalewala ng ICC sa justice system ng Pilipinas

Pinagsabihan ng Department of Justice (DOJ) ang International Criminal Court (ICC) na direktang makipag-usap sa kagawaran hinggil sa kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang Duterte administration.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, tila “propaganda war” laban sa bansa ang ginagawa ng ICC na pagpaparating ng kanilang mensahe sa publiko sa halip na makipag-ugnayan sa DOJ.

“Isa lang pinagtataka ko sa mga ICC na ‘to, bakit hindi nila kausapin ang Department of Justice tungkol sa problemang ito? Bakit sa publiko nila inilalabas ito? Para bang ito’y propaganda war laban sa bansa natin. Kausapin nila kami. Hindi naman kami kinakausap ng mga ‘to tapos papasok sila rito. Ano sila, hilo?” giit ni Remulla sa panayam ng DZXL.


Muli namang iginiit ni Remulla na gumagana ang justice system ng Pilipinas kung kaya’t hindi dapat nanghihimasok sa bansa ang ICC.

Aminado naman ang kalihim na maging siya ay hindi kuntento sa naging imbestigasyon ng bansa sa war on drugs.

Pero aniya, dapat na maunawaan ng ICC na may pinagdaraanang proseso ang pagpapanagot sa mga pulis o sinumang awtoridad na nagmalabis sa kapangyarihan.

“Marami kasi sa mga hinihingi nila sa’tin, labindalawang taon na ang nakalilipas, gusto nila ayusin natin ngayon at bukas na bukas, makulong natin yung mga taong nagmalabis 12 years ago. E hindi ganyan ang sistema ng hustisya. Ang hustisya, naghahanap tayo ng testigo, naghahanap tayo ng ebidensya baka tayo magsakdal ng taumbayan. Hindi po tayo, nagkukulong ng tao na, ‘balita ko, masamang tao yan, ikukulong ko nga.’ Hindi pwede yan,” paliwanag ng kalihim.

“Kung sila po ay hindi kuntento, tayo po ay hindi rin kuntento pero tayo ay hindi tumitigil.”

“Kaya dapat maintindihan nila na tayo po bilang isang bansa, may sarili tayong justice system na sana’y igalang nila. At kung sino man ang gustong umapak dito upang tayo po ay balewalain, e baka managot sila sa atin,” dagdag niya.

Noong Lunes, pinag-usapan na nina Remulla, Pangulong Bongbong Marcos at Solicitor General Menardo Guevarra ang magiging sagot ng Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC.

Bago ito, pinagbigyan ng ICC ang hiling ng gobyerno ng Pilipinas na i-extend ang deadline sa pagsagot na itinakda naman sa March 13.

Facebook Comments