Ayaw na munang magkomento ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa resolusyon ng investigating prosecutor na nagbasura sa reklamong paglabag sa quarantine protocol laban kay Sen. Koko Pimentel.
Ayon sa kalihim, hindi pa napapanahon na magkomento sa pagbasura ng piskalya sa reklamo ni Atty. Rico Quicho laban kay Pimentel dahil posibleng may maghain pa ng apela.
Aniya, posibleng umabot pa ito sa kanyang opisina kung saan may mandato ang Secretary of Justice na magsagawa ng review process sakaling maghain ng apela ang naagrabyado.
Tiniyak naman ni Sec. Guevarra sa publiko na nakahanda ang DOJ na ipatupad ang criminal justice system ng bansa nang walang kinikilingan.
Nilinaw rin ng kalihim na malaking bilang ng mga inaresto ng mga otoridad dahil sa paglabag sa quarantine protocols ang pinalaya rin naman at ibinasura rin ng piskalya ang kanilang mga kaso.