Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na natalakay sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) kahapon ang ipatutupad na patakaran sa mass gathering ng mga religious group.
Ayon sa kalihim, nangingibabaw ang concern na panatilihin na muna ang guidelines tulad ng pagtatakda lamang ng hanggang sampung indibidwal sa isang religious gathering sa lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) lalo na sa Metro Manila kung saan mataas ang kaso ng COVID-19.
Gayunman, dahil sa maglalabas ng bagong datos at pag-aaral ang DOH sa June 10 kaugnay sa pinakahuling sitwasyon ng COVID-19, ito na rin aniya ang pagbabasehan kung babaguhin na ang klasipikasyon sa mga patakaran ng community quarantine para sa June 15.
Nauna nang pinayagan ng IATF simula kahapon ang 50% capacity ng mass gathering sa mga religious venues tulad ng simbahan.