Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na may malubhang karamdaman si National Bureau of Investigation (NBI) Counter-Terrorism Division Chief Raoul Manguerra.
Si Manguerra ay natagpuang patay sa loob ng kanyang opisina sa NBI at kinumpirma rin ng kalihim na tama ng bala ng baril sa tiyan ang ikinamatay ng opisyal.
Sinabi ni Sec. Guevarra na mag-isa lamang sa loob ng kanyang opisina si Manguerra nang mangyari ang insidente.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na hinihintay niya pa rin ang resulta ng imbestigasyon ng NBI.
Aniya, lahat ng anggulo sa insidente ay sisilipin.
Idinagdag ng kalihim na malaking kawalan sa NBI at DOJ si Manguerra lalo na at malaki ang naging papel nito sa sunud-sunod na pagkakadakip sa Abu Sayyaf fighters sa buong bansa at sa Metro Manila.