Muling tinanggihan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang nominasyon sa kanya para maging isa sa mga associate justice ng Korte Suprema.
Sa kaniyang liham na ipinadala kay retired Sandiganbayan Justice Raoul Victorino na nag-nominate sa kanya para sa mababakanteng pwesto, pinasalamatan niya ang dating mahistrado dahil sa tiwalang ibinibigay nito.
Nabatid kasi na mababakante na nagposisyon ni Associate Justice Jose Reyes na magma-mandatory retirement sa September 18, 2020.
Gayunpaman, sinabi ni Guevarra na hindi niya ito matatanggap dahil mas kailangan ng bansa ngayon ang kaniyang serbisyo bilang kalihim ng DOJ.
Ayon pa kay Guevarra, mas mahalagang pairalin ang law and order sa bansa ngayon lalo na’t nahaharap tayo sa COVID-19 pandemic.
Ito na ang ikalawang beses na tumanggi si Guevarra sa nominasyon ni Victorino kung saan una niya itong inayawan noong November 2019.