DOJ Sec. Remulla, Defense Sec. Teodoro at iba pang opisyal, ipinadi-disbar ni Mayor Baste Duterte

Naghain ng disbarment petition si Davao City acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban kina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla at ilang opisyal ng pamahalaan.

Ito ay kaugnay sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagdadala sa kaniya sa The Hague, sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Bukod kay Remulla, kasama rin sa ipinatatanggal bilang abogado sina Defense Secretary Gilbert Teodoro, DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty at Prosecutor General Richard Fadullon.

Paglilinaw naman ni Atty. Israelito Torreon na siyang naghain ng petisyon sa Korte Suprema, wala itong kinalaman sa iba pang pagtutol sa aplikasyon ni Remulla bilang susunod na Ombudsman.

Sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inaasahan na niya ang ito at dati na rin daw naghain laban sa kaniya matapos ang pagpapa-aresto sa dating pangulo.

Samantala, ipinauubaya na ni Remulla sa Judicial and Bar Council ang inihaing sworn opposition ni Senador Rodante Marcoleta laban sa kaniyang aplikasyon sa Ombudsman.

Facebook Comments