DOJ Sec. Remulla, pinabibitiw sa pwesto ni suspended BuCor Dir. Bantag; Bantag, ibinunyag na gumagamit ng marijuana si Remulla at kinokontrol nito ang mga drug lord sa bilangguan!

Pinabibitiw sa pwesto ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Sa isang panayam, sinabi ni Bantag na imbes na siya ay pag-initan ay mas mabuting bumaba na lang si Remulla sa pwesto dahil wala umano itong kredibilidad na mamuno.

Dagdag pa ni Bantag, dahil na rin sa umano’y pandaraya sa imbestigasyon hinggil sa pagpatay sa beteranong radio broadcaster na si Percy Lapid.


Inakusahan pa ni Bantag si Remulla sa plano nito sa politika sa 2025 at ginagamit lamang ang DOJ para sa exposure.

Tahasang sinabi rin ni Bantag na ginagamit lang ni Remulla ang kasong pagpaslang kay Lapid para takpan ang isyung kinasasangkutan ng kaniyang anak na si Juanito Jose Remulla III matapos mahulihan ito ng parcel na naglalaman ng P1.3 million halaga ng high-grade marijuana.

Ibinunyag din ni Bantag na gumagamit ng marijuana si Remulla at sinusubukan nito na kontrolin ang mga drug lord sa bilangguan.

Inamin ni Bantag na inutos din ni Remulla ang pagpapalaya sa dalawang persons deprived of liberty (PDLs) na sina Engelberto Durano at Nonilo Arile.

Sina Durano at Arile ay kabilang sa mga PDL na nagsilbing saksi laban sa dating Senador Leila de Lima para sa mga kasong may kinalaman sa droga na isinampa laban sa kaniya noong 2017.

Dagdag pa ni Bantag, inutusan din ni Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) na kumuha ng PDL sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) na kinilalang si German Agojo na umano’y iniugnay sa pinatay at sinasabing middleman na si Jun Villamor at kay self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Una nang sinabi ng abagado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na walang rason para magtago si Bantag dahil wala namang arrest warrant laban sa kaniya.

Dagdag pa ni Atty. Balisong, handa raw linisin ni Bantag ang pangalan nito at hinihintay lang na matanggap ang subpoena upang makapaghanda sila ng counter-affidavit.

Facebook Comments